Search This Blog

Loading...

Monday, December 12, 2011

Ang Morpema

Ang Morpema
-Ang morpema ay nabubuo sa pamamagitan ng pagkukumbinasyon ng mga ponema upang makabuo ng mga kabuluhang yunit ng wika.  Ang sangay ng linggustika na naglalarawan kung paano binubuo ang mga salita ay tinatawag na "Morphemies".  Ang morpema ang batayang yunat na pinag-aralan sa Morphemies.  May mga pagkakataong sa pagsasama-sama ng mga morpema, ang isang morpema ay nagbabagu-bago ng anyo ayon sa tunog na nilalapian nito.

Ang ganitong pagbabago ng anyo ng isang morpema ay tinatawag na assimilation pagtulad ng tunog na katabing tunog.  Ang ganitong pag-iiba ng anyo ng mga morpema ay tinatawag na "Morphophonemic process".

 Tatlong Anyo ng Morpema
1. Morpema ng salitang- ugat - Ito'y payak na salita at walang panlapi.  Tinatawag itong matayong morpema sapagkat nakapag-iisa.
Mga Halimbawa:
a. langit            b. buhay             c. aklat
d. ganda           e. ligaya

2. Morpemang panlapi - Ito'y ginagamit sa pagbuo ng salita - Ang uring ito'y tinatawag na di-malayong morpema sapagkat inilalapi lamang sa ibang morpema.
Mga Halimbawa:
a. mag-           c. i-           e. ma-
b. um-            d. in-o nin-

3. Ponemang patinig - Sa mga sumusunod na mga halimbawa ay makikitang ang patinig /a/ sa hulihan ng mga salita sa hanay sa gawing kanan ay nangangahulugang na  pagiging babae.
Mga Halimbawa:
a. doktor     doktora
b. abugado  abugada
c. lolo          lola
d. sekretaryo  sekretarya
e. tindero tindera


Pagsusulit:
Anyo ng morpema
(salitang ugat, panlapi, patinig)
__1.Bata
__2.katuwaan
__3.ginhawa
__4.pangarap
__5.lunkgot
__6.nabihag
__7.liyag
__8.sabi
__9.mamasyal
__10.hihingi

Saturday, December 10, 2011

Ang Ponolohiya o Palatunugan

Ang ponolohiya o palatunuga ay pag-aaral sa mga ponema (tunog), paghinto(juncture), pagtaas-pagbaba ng tinig(pitch), diin(stress) at pagpapahaba ng tunog (prolonging/lengthening)

Ponema ang tawag sa pinakamaliit na yunit ng tunog. May dalawang uri ng ponema: 1 segmental at suprasegmental.

Ang ponemang segmental ay binubuo ng ponemang katinig at patinig.

a) Labing-lima ang orihinal na kasama sa palabaybayan ngunit isinama ang impit na tunog o glottal stop (?) sapagkat ito ay itinuturing na isang ponemang katinig dahil napagbabago nito ang kahulugan ng isang salita. Ang dating bigkas nito ay malumi o maragsa.

b) /p, b, m, w, d, t, l, s, n, r, y, k, g, ng, h, ?/ ang bumubuo sa ponemang katinig


Halimbawa:

ba: tah - housedress
tub: boh - pipe
ba: ta? - child
tub: bo? - profit


c) Ang ponemang patinig ay lima : a, e, i, o, u.

d) May mga salitang nagkakapalit ang ponemang /u/ at /o/, gayundin ang /i/ at /e/ ngunit hindi nagbabago ang kahulugan ng salita.
Halimbawa:
babae - babai
kalapati - kalapate
lalaki - lalake
noon - nuon


e) Mayroon din namang mga salitang itinuturing na hiwalay na ponema ang /u/, /o/, /i/, at /e/ dahil nagbibigay ito ng magkaibang kahulugan at hindi maaaring pagpalitin.
Halimbawa:
uso - modern
mesa - table
oso - bear
misa - mass

Kayarian ng mga Salita

Ang mga salita ay may apat na kayarian. Ang mga salita ay maaaring payak, maylapi, inuulit o tambalan.

1. Payak – ang salita ay binubuo lamang ng salitang-ugat. Ang salitang-ugat ay batayang salita ng iba pang pinahabang mga salita. Samakatwid, ito ang salita sa basal o likas na anyo – walang paglalapi, pag-uulit, o pagtatambal.

Mga Halimbawa:
  • awit
  • bayani
  • watawat
  • talino
  • halaga
  • yaman
  • pinto
  • sahig
  • pera
  • aklat
  • bintana

2. Maylapi – ang salita ay binubuo ng salitang-ugat at mga panlapi. Ang mga panlapi ay mga katagang idinaragdag sa unahan, sa gitna, o sa hulihan ng mga salitang-ugat. May ibat’ibang uri ng mga panlapi.

a. Unlapi – ang panlapi ay matatagpuan sa unahan ng salitang-ugat.
Mga halimbawa:
  • mahusay
  • palabiro
  • tag-ulan
  • umasa
  • makatao
  • may-ari
b. Gitlapi – ang gitlapi ay matatagpuan sa gitna ng salitang-ugat. Ang mga karaniwang gitlapi sa Filipino ay –in- at -um-
Mga halimbawa:
  • lumakad
  • pumunta
  • binasa
  • sumamba
  • tinalon
  • sinagot
c. Hulapi – ang hulapi ay matatagpuan sa hulihan ng salitang-ugat. Ang mga karaniwang hulapi sa Filipino ay –an, -han, -in, at –hin.
Mga halimbawa:
  • talaan
  • batuhan
  • sulatan
  • aralin
  • punahin
  • habulin
d. Kabilaan - ang kabilaan ay binubuo ng tatlong uri. Ito’y maaaring:

1. Unlapi at Gitlapi
Mga Halimbawa:
  • isinulat
  • itinuro
  • iminungkahi
  • ibinigay
2. Unlapi at Hulapi
Mga Halimbawa:
  • nagkwentuhan
  • palaisdaan
  • kasabihan
  • matulungin
3. Gitlapi a Hulapi
Mga Halimbawa:
  • sinamahan
  • pinuntahan
  • tinandaan
  • hinangaan
e. Laguhan - ang panlapi ay binubuo ng tatlong magkakaibang uri: unlapi, gitlapi, at hulapi.
Mga halimbawa:
pinagsumikapan
nagsinampalukan

3. Inuulit – ang buong salita o bahagi ng salita ay inuulit. May dalawang anyo ng pag-uulit ng mga salita.

a. Inuulit na ganap – ang buong salita, payak man o maylapi ay inuulit.
Mga Halimbawa:
  • taun-taon
  • masayang-masaya
  • bahay-bahay
  • mabuting-mabuti
b. Inuulit na di-ganap – bahagi lamang ng salita ang inuulit.
Mga Halimbawa: pala-palagay malinis-linis susunod

4. Tambalan – ang salita ay binubuo ng dalawang magkaibang salitang pinagsama upang makabuo ng bagong salita. May dalawang uri ng tambalang salita:

a. Tambalang salitang nanatili ang kahulugan
Mga Halimbawa:
  • isip-bata (isip na gaya ng bata)
  • buhay-mayaman (buhay ng mayaman)
  • abot-tanaw (abot ng tanaw)
  • sulat-kamay (sulat ng kamay)
Ang gitling sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal ay kumakatawan sa nawawalang kataga sa pagitan ng pinagtambal na salita

b. Tambalang salitang nagbibigay ng bagong kahulugan
Mga Halimbawa:
  • hampaslupa (taong napakahirap ng buhay)
  • dalagangbukid (isang uri ng isda)
  • talasalitaan (bokabularyo)
  • hanapbuhay (trabaho)

Ang Alfabetong Fililipino

Ang makabagong alfabetong Filipino ay binubuo ng 28 titik. Ito ay hinango sa alfabetong Ingles na may 26 na titik at dinagdagan ng titik Ñ at NG. Ang NG ay itunuturing na isang titik lamang.


Kasaysayan ng Alfabetong Filipino

Alibata ang tawag sa kauna-unahang alfabetong Filipino. Ito ay pamana ng mga nandayuhang Malayo-Polinesyo at binubuo ng labimpitong titik: 3 patinig at 14 katinig.


Mula sa Alibata, nabuo ang abakadang Filipino. Ito ay binubuo ng 20 titik: 5 patinig at 15 patinig. Noong 1971, nagdagdag ng 11 titik sa dating alpabetong Filipino. Ang mga alpabetong nadagdag ay, C, Ch, F, J, Ll, Ñ, Q, Rr, V, X, at Z. Samakatuwid ang alpabetong Filipino ay binubuo ng 31 titik.

Ang makabagong alfabeto ay binubuo ng 28 titik, 20 ang galing sa orihinal na abakada at isinama ang pitong titik ng English: C, F, J, Q, V, X, Z at Ñ mula sa Kastila. Ayon sa ulat na ginawa ni Dr. Ernesto Constantino ng Pamantasan ng Pilipinas, ang pagdaragdag ng nasabing walong titik na bagong alpabeto ay magpapadali sa panghihiram ng mga salitang kailangang hiramin para mapayaman, mapaunlad at maging epektibo at modernisado ang Wikang Pambansa.

Aa[ey]Bb[bi]Cc[si]Dd[di]Ee[ii]Ff[ef]Gg[dyi]Hh[eyts]
Ii[ay]Jj[dsey]Kk[key]Ll[el]Mm[em]Nn[en]Ññ[enye]NGng[en dyi]
Oo[o]Pp[pi]Qq[kyu]Rr[ar]Ss[es]Tt[ti]Uu[yu]Vv[vi]


Ww[dobolyu]Xx[eks]Yy[way]Zz[zi]

Mga Antas ng Wika

Ang wika ang pinakamabisang instrumento ng komunikasyon at wikang Filipino para sa mga Filipino.

Ang wika ay mayroong apat na antas. Ito ay ang sumusunod:

1. Balbal - ito ang pinakamababang antas. Ito ay binubuo ng mga salitang kanto na sumusulpot sa kapaligiran.
Halimbawa: epal (mapapel), istokwa (layas) haybol (bahay)

2. Lingua Franca o Panlalawigan - Kabilang sa antas na ito ang mga salitang katutubo sa lalawigan.

3. Pambansa - salitang madalas gamitin sapagkat nauunawaan ng buong bansa.

4. Pampanitikan - Ito ang antas na may pinakamayamang uri. Madalas ito ay ginagamitan ng mga salitang may iba pang kahulugan. Idiyoma, eskima, tayutay, at iba't ibang tono, tema, at punto ay ginagamit sa pampanitikan.

Wastong Gamit: Tutuldok, Tutuldok-Kuwit, Panipi, atbp.

TUTULDOK( : )
A. Ginagamit kung may lipon ng mga salitang kasunod.
Hal. Maraming halaman ang namumulaklak sa hardin tulad ng: Rosal, Rosas, Orchids, Sampaguita, Santan at iba pa.

B. Pagkatapos ng bating panimula ng pormal na liham o liham-pangangalakal.
Hal. Dr. Garcia:
Bb. Zorilla:

C. Sa paghihiwalay sa mga minuto at oras, sa yugto ng tagpo sa isang dula, sa kabanata at taludtod ng Bibliya at sa mga sangkap ng talaaklatan.
Hal. 8:00 a.m Juan 16:16


TUTULDOK - KUWIT( ; )
A. Maaaring gumamit ng tuldukuwit sa halip na tutuldok sa katapusan ng bating panimula ng liham pangalakal.
Hal. Ginoo;
Bb;

B. Ginagamit sa pagitan ng mga sugnay ng tambalang pangungusap kung hindi pinag-uugnay ng pangatnig.
Hal.
1. Kumain ka ng maraming prutasl ito’y makabubuti sa katawan.
2. Naguguluhan siya sa buhay; iniisip nya ang magpatiwakal.

C. Sa unahan ng mga salita at parirala tulad halimbawa, gaya ng, paris ng, kung nangunguna sa isang paliwanag o halimbawa.
Hal. Maraming magagandang bulaklak sa Pilipinas na hindi na napag-uukulan ng pansin; gaya ng kakwate, kabalyero, banaba, dapdap at iba pa.


PANIPI (“”)
A. Ginagamit upang ipakita ang buong sinasabi ng isang nagsasalita o ang tuwirang sipi.
Hal. “Hindi kinukupkop ang criminal, pinarurusahan,” sabi ng Pangulo.

B. Ginagamit upang mabigyan diin ang pamagat ng isang pahayagan, magasin, aklat at iba’t ibang mga akda.
Hal.
1. Nagbukas na muli ang “Manila Times”.
2. Isang lingguhang babasahin ang “Liwayway”.
3. Napaluha ang marami nang mapanood ang dulang “Anak Dalita”.

C. Ginagamit sa pagkulong ng mga salitang banyaga.
Hal. Ang binasa niyang aklat ay hinggil sa bagong “Computer Programming”.

PANAKLONG ( () )
A. Ginagamit upang kulungin ang pamuno.
Hal. Ang ating pambansang bayani (Jose Rizal) ang may-akda ng Noli Me Tangere.

B. Ginagamit sa mga pamilang o halaga na inuulit upang matiyak ang kawastuhan.
Hal. Ang mga namatay sa naganap na trahedya sa bansang Turkey ay humigit kumulang sa labindalawang libong (12,000) katao.

C. Ginagamit sa mga pamilang na nagpapahayag ng taon.
Hal. Jose P. Rizal ( 1861 – 1896 )


TUTULDOK-TULDOK O ELIPSIS (…)
A. Upang ipakilalang may nawawalang salita o mga salita sa siniping pahayag. Tatlong tuldok ang ginagamit kung sa unahan o sa gitna ng pangungusap ay may nawawalang salita, subalit apat na tuldok kung sa mga salitang nawawala ay sa hulihan ng pangungusap.
Hal. Pinagtibay ng Pangulong Arroy …
B. Sa mga sipi, kung may iniwang di-kailangang sipiin.
Hal:
Kung ikaw’y maliligo sa tubig ay aagap upang…

Wastong Gamit: Tuldok, Pananong, Padamdam, Kuwit, Kudlit

 1. TULDOK (.)
Ang tuldok ay ginagamit na pananda:
A. Sa katapusan ng pangungusap na paturol o pasalaysay at pautos.
Hal. Igalang natin ang Pambansang Awit.
B. Sa pangalan at salitang dinaglat
Hal. Si Gng. A.A. Jose ay mahusay magturo.
Si Bb. Macarayan ang kanilang guro sa asignaturang “Basic Christian Living”
C. Sa mga titik o tambilang na ginagawang pamilang sa bawa’t hati ng isang balangkas, talaan.
Hal. A. 1.

2. PANANONG (?)
Ginagamit ang pananong:
A. Sa pangungusap na patanong.
Hal. Ano ang pangalan mo?
Sasama ka ba?
B. Sa loob ng panaklong upang mapahiwatig ang pag-aalinlangan sa diwa ng pangungusap.
Hal. Si Manuel Roxas ang ikalawang (?) pangulo ng Republika ng Pilipinas.

3. PADAMDAM (!)
Ang bantas na pandamdam ay ginagamit sa hulihan ng isang kataga, parirala o pangungusap na nagsasaad ng matindi o masidhing damdamin.
Hal. Mabuhay ang Pangulo!
Uy! Ang ganda ng bago mong sapatos.
Aray! Naapakan mo ang paa ko.

4. PAGGAMIT NG KUWIT (,)
A. Sa paghihiwalay ng magkakasunod na salita at lipon ng mga salitang magkakauri.
Hal. Kumain ka ng itlog, gulay at sariwang bungang-kahoy.
Hal. Shana, saan ka nag-aaral ngayon?
B. Sa hulihan ng bating panimula at bating pangwakas ng isang liham-pangkaibigan.
Hal. Mahal kong Marie,
Nagmamahal,
Sa iyo kaibigang Jose,
Tapat na sumasaiyo,
C. Pagkatapos ng OO at HINDI.
Hal. OO, uuwi ako ngayon sa probinsiya.
HINDI, ayaw niyang sumama.
D. Sa mga lipon ng salitang panuring o pamuno.
Hal. Si Andres Bonifacio, ang ama ng Katipunan, ay isinilang sa Tondo.
Si Pastor Arias, isang mahusay na tagapagtanggol, ay isang Manobo.
E. Sa hulihan ng bilang sa petsa, o sa pagitan ng kalye at purok at ng bayan at lalalwigan sa pamuhatan ng isang liham.
Hal. Nobyembre 14, 2008
Project 8, Quezon City
F. Sa paghihiwalay ng tunay na sinabi ng nagsasalita sa ibang bahagi ng pangungusap.
Hal. Ayon kay Rizal, “Ang hindi magmamahal sa sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda”.

5. PAGGAMIT NG KUDLIT(‘)
Ginagamit na panghalili ang kudlit sa isang titik na kina-kaltas:
Hal. Siya’t ikaw ay may dalang pagkain.
Ako’y mamayang Filipino at may tungkulin mahalin at pangalagaan ang aking bayan.

Wastong Gamit: Gitling

PAGGAMIT NG GITLING(-)
Ginagamit ang gitling (-) sa loob ng salita sa mga sumusunod na pagkakataon:
A. Sa pag-ulit ng salitang-ugat o mahigit sa isang pantig ng salitang-ugat.
Hal. araw-araw isa-isa apat-apat
dala-dalawa sari-sarili kabi-kabila
masayang-masaya


B. Kung ang unlapi ay nagtatapos sa katinig at ang salitang nilalapian ay nagsisimula sa patinig na kapag hindi ginitlingan ay magkakaroon ng ibang kahulugan
Hal: mag-alis nag-isa nag-ulat
pang-ako mang-uto pag-alis
may-ari tag-init pag-asa

C. Kapag may katagang kinaltas sa pagitan ng dalawang salitang pinagsama.
Hal: pamatay ng insekto - pamatay-insekto
kahoy sa gubat - kahoy-gubat
humgit at kumulang - humigit-kumulang
lakad at takbo - lakad-takbo
bahay na aliwan - bahay-aliwan
dalagang taga bukid - dalagang-bukid

Subalit, kung sa pagsasama ng dalawang salita ay magbago ang kahulugan, hindi na gagamitan ng gitling ang pagitan nito.
Hal. dalagangbukid (isda)
buntunghininga

D. Kapag may unlapi ang tanging ngalan ng tao, lugar, brand o tatak ng isang bagay o kagamitan, sagisag o simbolo. Ang tanging ngalan ay walang pagbabago sa ispeling
Hal: maka-Diyos maka-Rizal maka-Pilipino
pa-Baguio taga-Luzon taga-Antique
mag-pal maka-Johnson mag-Sprite
mag-Corona mag-Ford mag-Japan

E. Sa pag-uulit ng unang pantig ng tanging ngalang may unlapi, ang gitling ay nalilipat sa pagitan ng inulit na unang pantig ng tanging ngalan at ng buong tanging ngalan
Hal. mag-Johnson magjo-Johnson
mag-Corona magco-Corona
mag-Ford magfo-Ford
mag-Japan magja-Japan
mag-Zonrox magzo-Zonrox

F. Kapag ang panlaping ika- ay iniunlapi sa numero o pamilang.
Hal: ika-3 n.h. ika-10 ng umaga ika-20 pahina
ika-3 revisyon ika-9 na buwan ika-12 kabanata

G. Kapag isinulat nang patitik ang mga yunit ng fraction.
Hal: isang-kapat (1/4)
lima’t dalawang-kalima (5-2/5)
tatlong-kanim (3/6)

H. Kapag pinagkakabit o pinagsasama ang apelyido ng babae at ng kanyang bana o asawa.
Hal. Gloria Macapagal-Arroyo
Conchita Ramos-Cruz
Perlita Orosa-Banzon

I. Kapag hinati ang isang salita sa dulo ng isang linya.
Hal.
Patuloy na nililinang at pinalalawak ang pag-gamit ng Filipino.

Wastong Gamit: Bitiwan / Bitawan

Ang wastong gamit ay bitiwan at hindi bitawan. Ang salitang-ugat ay bitiw at hindi bitaw. Ang salitang "bitaw" ay ginagamit sa pagsasabong ng manok samantalang ang "bitiw" ay sa pagkawala o pag-alis sa pagkakahawak.

Halimbawa:
1. Bitiwan mo ang mga braso ko kung hindi ay sisigaw ako.
2. Nabitiwan ni Aling Nena ang mga pinamalengke dahil sa takot.
3. Binitawan ni Mang Kanor anga kabayong nagwawala.
4. "Bitiwan mo muna yang mga hawak mong holen at tulungan mo ako sa pag-iigib", ang sigaw ni Boyet sa kapatid.
5. Bitiwan mo na ang pag-asang babalikan ka pa ng iyong kasintahan.

Ang "bitawan" ay nauukol sa pook na pinagdarausan ng paglalaban ng mga manok na walang tari. Ito ay maaring sa kalsada o bakuran.

Ang "bitaw" ay idinaraos upang bigyan ng pagsasanay ang mga manok.

Ang Pantig at Pagpapantig

PANTIG

Ang pantig ay galaw ng bibig, saltik ng dila na may kasabay na tunog ng lalamunan o walang antalang bugso ng tinig sa pagbigkas ng salita.

Kayarian ng Pantig
Gumagamit ng simbolong K para sa katinig at P para sa patinig sa pagtukoy ng kayarian ng pantig.


KayarianHalimbawa
Pa-so
KPma-ta
PKak-lat
KPKsak-lap
KKPblu-sa
PKKeks-pre-syon
KKPKplan-ta
KPKKnars
KKPKKtrans-por-ta-syon

c Ang Pagpapantig

Ang pagpapantig ay paghahati ng salita sa pantig o mga pantig.

1 Ang magkasunod na dalawa o higit pang patinig ng salita ay hiwalay na mga pantig

Halimbawa:
uupo > u – u - po
paano > pa – a – no
noo > no - o

2 Ang magkasunod na katinig sa loob ng isang salita ay pinaghihiwalay, ang una ay kasama sa patinig na sinusundan at ang ikalawa ay sa patinig na kasunod.

Halimbawa:
tukso > tuk - so
pandak > pan - dak
luksa > luk – sa

3 Sa hiram na salita, ang magkasunod na katinig ay parehong kasama sa kasunod na patinig.

Halimbawa:
sobre > so-bre
pobre > po-bre

4 Sa pag-uulit ng pantig:

a. Ang patinig lamang ang inuulit kung ito ay unang tunog ng salitang ugat.

Halimbawa:
asa > a-a-sa
alsa > a-al-sa
ekstra > e-eks-tra

b. Kung ang unang pantig ng salitang ugat ay nagsisimula sa katinig-patinig ang katinig at kasunod na patinig lamang ang inuulit

Halimbawa:
punta > pu-pun-ta
sulat > su-su-lat
prito > pi-prituhin

Mga Kawikaan (Proverbs)

Mga Kawikaan (Proverbs) 

Mga Halimbawa:

1. Anglumalakad ng matulin, kapag natinik malalim.
2 Kapag may tiyaga, may nilaga.
3. Ang taong nagigipit kahit sa patalim kumakapit.
4. May tainga ang lupa, me pakpak ang balita.
5. Kapag may isinuksok may madudukot.
6. Daig ng maagap ang masipag.

7. Kung ano ang puno ay siyang bunga.
8. Kung me itanim me aanihin.
9. Kapag maiksi ang kumot matutong mamaluktot.

10. Kung walang apoy walang usok.  

Pang-abay

Pang-abay (Adverb)

Kahulugan:
Ang pang-abay ay bahagi ng pananalitang nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri o kapwa pang-abay.
Ang pang-abay at pang-uri ay kapwa mga salitang naglalarawan. Ang pang-uri ay naglalarawan ng mga pangngalan at panghalip samantalang ang pang-abay ay naglalarawan hindi lamang ng mga pandiwa kundi gayundin sa mga pang-uri at kapwa nito pang-abay. Ito ay nahahati sa iba’t ibang uri.


Mga Halimbawa:

A. Mabilis na manlalaro si Lydia de Vega.
B. Mabilis siyang tumakbo noong siya'y bata pa.

Sa unang halimbawa, ang salitang mabilis ay naglalarawan sa salitang manlalala na isang pangngalan samantalang sa pangalawang halimbawa, ang mabilis ay ginamit n panuring sa salitang tumakbo na isang pandiwa. Samakatuwid ang salitang mabilis ay maaring maging pang-uri o pang-abay ayon sa pananalitang nilarawan nito.


Mga Uri ng Pang-abay

Pamanahon ang pang-abay kapag nagsasaad ng panahong ikinaganap ng bagay o gawaing sinasabi ng pandiwa.
Halimbawa: Tuwing gabi ay nagbabasa kami ng asawa ko ng Bibliya.

Panlunan ang pang-abay kapag nagsasaad ng lunan o pook na pinangyarihan ng kilos.
Halimbawa: Itinuturo sa paaralan ang kagandahang-asal.

Pamaraan ang pang-abay kapag nagsasaad ng paraan ng pagkakaganap ng kilos.
Halimbawa: Maliwanag magsalita ang aming guro.

Panulad ang pang-abay na nagsasaad ng paghahambing.
Halimbawa: Lalong nauunawaan ang mga aralin kung pag-aaralan ito.

Panggaano ang pang-abay na nagsasaad ng dami, sukat o timbang.
Halimbawa: Hustong sumunod tayo sa mga panuntunan ng paaralan.

Pang-agam ang pang-abay kapag nagsasaad ng pag-aalinlangan o di-katiyakan. Tinatawag din itong pang-abay panubali.
Halimbawa: Siguro'y magbabago na siya.

Panang-ayon ay pang-abay na nagsasaad ng pagpayag o pagsang-ayon.
Halimbawa: Totoong mahirap mag-aral.

Pananggi ay pang-abay na nagsasaad ng pantanggi, di-pagtanggap o pagbabawal.
Halimbawa: Hindi bumabagsak ang batang masipag.

Panunuran ay pang-abay na nagsasaad ng pagkakasunod-sunod
Halimbawa: Kahuli-hulihang tinawag ng guro ang batang walang takda.

Pamitagan ay pang-abay na nagpapahayag ng paggalang.
Halimbawa: Opo, tapos na po ang gawain ko.

Panuring pang-abay na nagpapahayag ng pagtanaw ng utang na loob.
Halimbawa: Maraming salamat at tinulungan mo ako.

 

Pangngalan

Pangngalan (Noun)

Kahulugan:
Ang pang-angkop ay mga katagang nag-uugnay sa magkakasunod na salita sa pangungusap upang maging madulas o magaan ang pagbigkasng mga ito. Sa makabagong pag-aaral ng wika, ang pang-angkop ay nahahati lamang sa dalawa.

1. na - Ito ay nag-uugnay ng dalawang salita na kung saan ang naunang salita ay nagtatapos sa mga katinig maliban sa titik n. Isinusulat ito nang kahiwalay sa mga salitang pinag-uugnay.
Halimbawa: Ang malinis na hangin ay ating kailangan.
Ang nauunang salita ay malinis na nagtatapos sa titik s na isang katinig.

Kaygandang tingnan ng makukulay na bulaklak.
Ang Diyos na makapangyarihan sa lahat ang tanging maaaring magliligtas sa atin
mula sa ating kasalanan.

2. -ng - Ito ay isinusulat karugtong ng mga salitang nagtatapos sa mga patinig (a, e, i, o u).
Halimbawa: Pinipigil ng malalaking ugat ng mga puno ang baha.
Ang pang-angkop na ng ay idinugtong sa salitang malalaki na nagtatapos
sa titik i na isang patinig.


Ang pang-angkop na -ng ay nag-uugnay rin sa mga salitang magkakasunod na kung saan ang naunang salita ay nagtatapos sa katinig na n. Ngunit hindi ito isinusulat sa ganitong anyo. Ang titik na n sa hulihan ng salita ay kinakaltas na lamang. Kaya ang pang-angkop na -ng at hindi g ang ginamit.
Halimbawa: luntian ng halaman >> luntiang halaman
Maraming banging matatarik sa ating bansa.

Pandiwa

Panimula

Pandiwa (Verb)
  • Ang pandiwa ay bahagi ng pananalita na nagsasaad ng kilos o galaw.
  • Nakakabuo ng mga pandiwa sa pananagutan ng paglalapi. Ang mga panlaping ginagamit upang makabuo ng pandiwa ay mga panlaping makadiwa
  • May limang paraan ng paglalapi upang makabuo ng pandiwa
1. Unlapi – ikinakabit ang panlapi sa unahan ng salita.
Halimbawa: umasa, uminom, magbili, pag-iisip
2. Gitlapi – kung ang panlapi’y sa loob ng salita nagsisingit.
Halimbawa: lumipat, binili, tumangkilik, sinabi
3. Hulapi – ang panlapi’y nasa hulihan ng salita ikinakabit
Halimbawa: samahan, awitin, hulihin, bayaran
4. Kabilaan – may unlapi at hulapi; ang salita’y nagigitnaan ng mga panlapi.
Halimbawa: matulungan, pag-aralan, mag-awitan
5. Laguhan – may unlapi, gitlapi, hulapi; ang panlapi ay nsa una, gitna at hulihan ng salita.
Halimbawa: pagsumikapan, magdinuguan
2 URI NG PANDIWA

Katawanin - Ito ay mga pandiwang nagpapahayag na ganap ang kilos na ginagawa ng simuno. Hindi na ito nangangailangang ng tuwirang layong.
Halimbawa:
Ang mag-anak ay kumakain ng sabay-sabay.
S P

Ang salitang kumakain ay ang salitang nagsasaad ng kilos (pandiwa). Ang gumaganap ng kilos ay ang mag-anak na siyang simuno ng pangungusap.

Nagkukuwentuhan pa sila pagkapos.

Alin ang simuno?
Ano ang salitang nagsasaad ng kilos?

Mga Sagot:
ang kaibigan
nagkukuwentuhan

Palipat - Ito ay mga pandiwang nangangailanangan pa ng tuwirang layon upang mabuo ang kaisipang nais nitong ipahayag.

Halimbawa:

Nagpadala ng mga pagkain sa mga katipunero si Tandang Sora.
Nagbigay ng magandang halimbawa sa mga kabataan si Dr. Jose Rizal.

Tandaan: Ang tuwirang layon ay siyang tagatanggap ng kilos na isinasaad ng pandiwa. Ito ay maaaring pangngalan o panghalip na nagbibigay ng kumpletong kahulugan sa kilos na ginagawa ng simuno o ng tagaganap ng kilos. Karaniwan ito ay sumasagot sa tanong na ano o kanino.

Mga Aspekto ng Pandiwa
1. Perpektibo – nagsasaad ng kilos o gawain na naganap o ginagawa na.
Halimbawa
Nagpaalam kami sa nanay mo nang kami’y umalis.

2. Imperpektibo o Pangkasalukuyan – nagpapakilala ng kilos na ginaganap sa kasalukuyan Halimbawa
Hayan at umuulan na naman.
3. Kontemplatibo – nagsasaad ng kilos na hindi pa nasisimulan.
Halimbawa
Magagawa mo ba ang bagay na ito?

Mga Panagano ng Pandiwa
Isang kakanyahan ng pandiwa ang pagtataglay ng iba’t ibang anyo ayon sa panahon at panagano. May apat na panagano ng pandiwa.

A. Pawatas – binubuo ng makadiwang panlapi at salitang-ugat, walang panahon ni panauhan
Mga Halimbawa
Ang magsabi ng totoo’y tungkulin ng tao.
Ang umaawit ng opera ay isang karangalan.

B. Pautos - walang kaibahan sa anyo ng pawatas. Ito’y wala ring tiyak na panahon at ginagamit sa pag-uutos o pakiusap.
Mga Halimbawa
Umibig tayo sa Diyos.
Magkawanggawa tayo sa mga nagigipit.
Igalang ang karapatan ng isa’t isa.

C. Paturol – Iba sa lahat sapagka’t nag-iiba ang anyo ng pandiawa sa iba’t ibang aspekto ang perkpektibo, imperpektibo at kontemplatibo.
Mga Halimbawa
Ugat Panlapi Perpektibo Imperpektibo Kontemplatibo
1. luhod um lumuhod lumuluhod luluhod
2. dasal mag nagdasal nagdarasal magdarasal
3. dasal in dinasal dinarasal darasalin
4. buti in ibinuti ibinubuti ibubuti

D. Pasakali – walang kaibahan sa paturol nguni’t ginagamitang lagi ng mga pangatnig o pang-abay upang maipahayag ang kalagayang pasubali.

Mga Halimbawa:
1. Baka matuloy kami kung may sasakyan.
2. Kung nabuhay siya disi’y Masaya ako ngayon.
3. Marahil naghihinanakit siya sa atin ngayon.

Friday, December 9, 2011

Ang lahat ng mga Filipino na paksa

Ang Blog na ito ay magsisilbing reference book para sa mga Elementary, Highschool at College.
Ang mga paksa ng Blog na ito ay ang Subject ng Filipino at Values(EPP).

Ang mga nilalaman ng Blog na ito ay Copyright Protected, hindi mo maaaring kopyahin ang mga nilalalaman nito
at isalin sa ibang website o blog.  Maaari kang humingi ng permiso sa lumikha ng blog na ito.